HINDI kailanman malilimutan ng ating mga kababayan ang makasaysayang apat na araw na People Power Revolution noong Pebrero 22-25, 1986, kung saan tangan lamang ang mga rosaryo, panalangin, at mga bulaklak, pinigil nila ang mga tangke at humarap sa mga armadong sundalo ng pamahalaan sa Epifanio De los Santos Avenue (EDSA), upang bawiin ang matagal nang ipinagkait na kalayaan at demokrasya.
Ang tagpong ito, na ngayo’y tinaguriang EDSA 1 People Power Revolution, ay pinuri sa buong daigdig at sinuportahan ng international community. Nagpapatuloy ito magpahanggang ngayon upang magdulot ng inspirasyon sa sangkatauhan sa kanilang pakikidigma upang mabawi ang kanilang mga karapatan at kalayaan.
Ngayong taon, ipagdiriwang natin sa Pebrero 25 ang ika-25 anibersaryo ng EDSA 1 People Power Revolution kung saan nagwakas ang isang rehimen, nabawi ang demokrasya, at isang biyuda na si Corazon Cojuangco Aquino ang nanumpa sa kanyang tungkulin bilang ika-11 Pangulo ng Pilipinas. Siya ang ina ni Pangulong Benigno S. Aquino III, ang ika-15 Pangulo ng Pilipinas.
Ang mga leader at iba pang pangunahing tauhan sa EDSA 1 People Power Revolution na kapiling pa natin ngayon ay makikilahok sa paggunita ng apat na maluwalhating araw noong Pebrero 1986. Sila ang mga “bayani ng EDSA,” dahil sa matagumpay na pamumuno nila sa bansa patungo sa kalayaan at demokrasya.
Maraming iba pa nating kababayan ang nag-ambag ng kanilang makakaya sa makasaysayang tagpong iyon yaong mga nagsilahok sa mga protesta, namahagi ng pagkain at inumin sa mga raliyista, nagrosaryo, nag-alay ng mga bulaklak, ipinagsapalaran ang kanilang buhay sa pagharap sa mga tangke ng militar, at nagsihimok sa mga sundalo na makisapi sa kanila. Ang mga larawan ng mga tao, matanda at bata, nagkapit-bisig, lumuluha, sumisigaw, at nananalangin ay nakaukit magpakailanman sa ating mga alaala.
Habang ginugunita ng bansa ang EDSA 1 People Power Revolution, huwag nating hayaang manamlay ang kaligayahan ng pagbawi ng kalayaan at demokrasya. Sa halip, maging matatag tayo sa pamamagitan ng isang pagpapasya na ipagpatuloy natin ang pangangalaga sa mga ito upang matamasa ng kasalukuyan at susunod na mga henerasyon.
(source: Balita ePaper)
========
Balitang Pinoy / Philippine News mula sa Talakayan at Kalusugan
DWBL 1242 Mon-Fri 4to5pm
www.talakayanatkalusugan.com

































